ang bansa ay ang iyong tahanan. Hindi ito inuuwian lamang, kinikilala pati ang pamilyang nakatira dito

Home » Archives » 15. January 2007

PAANO MO HUHUBUGIN ANG MIYEMBRO MO, PATI SARILI, SA KAMALAYANG PANLIPUNAN

January 15, 2007

Bilang isang officer ng Social Awareness ng AtSCA, naging layunin ko noon na hubugin ang kamalayang panlipunan ng mga miyembro, kasali na ako. Sa katunayan, bumuo pa ako ng vision ko sa mga miyembro- na matapos ang isang taon na ito, magkakaroon sila ng sariling sikap na umalam sa mga isyu sa lipunan at tumugon dito. Isa sa mga nakita ko bilang konkretong tugon ay ang pagdalo sa mga talakayan, diskurso, rally, at preayer vigil. hindi nga ba't may punto ito lalo na kung aalalahanin natin na mga estudyante pa lamang tayo. Maliit lamang muna na hakbang.

Hindi ko alam na malaki na pala ito.

Dumadaan ang oras at walang pagbabago sa kanilang pananaw. Isang beses, tumawag ako ng pulong para sa komite ko sa Social Awareness. Isa lang ang pumunta. Kapag ay mga malawakang talakayan sa paaralan sa Cha Cha o sa eleksyon, pinapaalalahanan sila. Kapag may rally o prayer vigil, inaabisuhan sila. Ngunit, wala pa rin. Mahigit kumulang na 90 kami sa grupo ngunit  mahigit kumulang rin na 10 lang ang pumupunta. Maswerte na nga yun.

Babaguhin ko yung mga sinabi ko kanina. May pagbabago rin, kahit kaunti. Dahil sa dyaryo sa kwarto, may dumaragdag sa kaalaman namin. Kahit papaano, may natutunan rin yung mga pumunta sa talakayan o rally. Sana man lang.

Masyado yatang malaki ang hinihingi ko sa aming lahat. May mga ayaw talagang pumunta sa rally at wala na akong magagawa doon. May mga ayaw dumalo sa mga talakayan sa lipunan, at hindi ko sila mapipilit.

Ang naging pagmumuni ko dito ay praktikal.

Nagkaroon ako ng pribiliheyo na makidalo sa pagpupulong ng mga pinuno ng mga grupo sa Ateneo at NGO. Dito ako naliwanagan sa kung ano ba talaga ang trabaho ko bilang Social Awareness Officer.\

Ito ang unang pagkamulat: Na hindi ako magtatagumpay kung ang target ko na maging mulat at makisangkot sa lipunan ay mga may kaya sa buhay, lalo na ang mga elitista (ang pakay ng paggamit ko ng salitang ito ay hindi derogatory). Paumanhin sa matatamaan, ngunit walang rason upang ang mga mayayaman ay mag-abala pa para baguhin ang sistema. Ang pagsali sa rally ay malayo sa pang-araw araw na problema nila- trabaho, kompanya, at edukasyon. Mali ang taong nais kong mamulat.

Kung UP tayo, tama sana ang taktika na pagmumulat sa mga mag-aaral. Sila ay mga anak ng proletarya. Malapit sila sa mga hirap ng isang ordinaryong Pilipino kaya madali silang mamulatan at himuking makisangkot. Ngunit aminin natin na iba ang mag-aaral na Atenista. Iba ang mga pagpapahalaga natin sa kanila.

Nagiging cynical ba ako? Hindi. Ngunit bukas ako sa pagtuligsa niyo.

Pangalawa: Buhat ng unang pagkamulat, nalaman ko na ang dapat imulat ay iyong mga walang kapangyarihan, walang boses- mga kaibigan natin sa erya.

Mula dito naisip ko ang isang maaaring misyon natin sa erya. Nahihirapan tayo sa tutor. Ngayon, minumungkahi ko ang isang bagong taktika- upang mahubog ang miyembro sa soc-aw, ang dapat hubugin ay ang mga mahihirap. Empowerment ng mahihirap. Ito ang gagawin nating mga miyembro.

Sa prosesong ito, tayo rin ay namumulat sa paraang hindi na kailangang pumunta ng rally. Iorganisa natin sila. Sila ang imbitahin natin sa mga rally, sa mga talakayan. Hindi ang mga miyembro, dahil nasa kanila na ang lahat ng paraan para umalam- internet, dyaryo, tv.

Kung kongkretong usapan, ito ang mga sinasabi ko:

1. Iorganisa sila sa. Kabataan at matatanda. Kung meron na, payamanin

2. Gawin ito sa bawat pag-erya o babad: alamin kung ano ang mga pangangailangan nila. Wakasan na natin yung dating gawi na gagawa tayo ng mga manifesto, na nagsasabi ng mga kailangan sa erya. Ang ginagawa natin ay: "Ito ang kailangan ninyo, DI BA?" Mali. Dapat sa kanila MISMO MAGMULA kung ano ang kailangan nila. Maging sensitibo sa mga konkretong hinaing nila.

3. Imbitahin sila kapag may rally o prayer vigil sa Ateneo.

4. Ngayong malapit na naman ang eleksyon, tunay na makatutulong kung makakagawa tayo ng dokumentong nagsasabi ng mga totoong hinaing nila- hindi nagmula sa pag-aaral o obserbasyon natin sa kanila, ngunit nagmula mismo sa kanila.

Sana malinaw ang mga punto ko. Alam ko ay kahirapan. Hindi ko alam kung papayag ang lahat. Kung hindi nga talaga pumayag, sana ay buksan muli itong mungkahi ko sa mga susunod na taon, sa mga susunod na mga AtSCAns.

maraming salamat. Mabuhay ang Diyos at Pilipino!

Timetable:
Jan15-19: Organize youth, manangs group

Jan20: Meet with them: Look for representative or different timeslot

First week of February: Draft the resolution

Mid of February: Sign the covenant with the area people

End of February: Sign the covenant with the candidates

After election: AtSCA will monitor the elected official. AtSCA will do whatever it can to address the problems

Posted by vladimirfrancobedural at 5:19 pm | permalink | comments[1]