ang bansa ay ang iyong tahanan. Hindi ito inuuwian lamang, kinikilala pati ang pamilyang nakatira dito

Home » Archives » January 2007

Ang Programa ng Pakikiisang Bigkis

January 23, 2007

PAKIKIISANG BIGKIS PROGRAM

Background 

Mayo 2007- Ngayong eleksyon, makakarinig na naman tayo ng mga pangako sa mga kakandidato. Kukuha sila ng mga dalubhasa sa politika at ekonomiya upang gawan sila ng pinakaengrandeng plataporma at programa san a ipepresenta sa mga Pilipino. 

May isang kopya mula sa isang tatakbong senador- 10 puntos na gabay sa eleksyon. Binigay niya ang 10 erya na kailangang pagtuonang pansin- kalusugan, pasahod, at iba pa. Ngunit ano nga ba ang problema sa mga ito? Sa huli, ito ay mga pangakong inabstraksyo na lumayo na sa mga talagang karanasan ng mga Pilipino.

Hindi nga ba na mahilig ang mga politiko at pati mga elitista na gumawa ng kanilang sariling lista na kinakailangan umano ng mga mamamayan, ng mahihirap. Hindi nga ba’t ipinapakita nila ito sa mga mahihirap at sabay sabi na, “Ito ang mga kailangan niyo, DI BA?” 

Ngunit kinunsolta man lamang ba sila? Halimbawa sa nasabing kopya ng plataporma ng tatakbong senador, tutugunan daw niya umano ang kalusugan sa pamamagitan ng pag-ayos ng Philhealth. Ngunit, malapit ba ang Philhealth sa pang-araw araw na buhay ng mga mahihirap? Hindi nga ba na ang kanilang pinupuntahan ay mga pampublikong ospital o mga libreng gamot sa baranggay. Kung gayon, kung may dapat na ayusin na talagang tatalab sa isang partikular na komunidad, ito ay ang ayusin na maaayos ang pasilidad at serbisyo dito sa mga pampublikong ospital o mga botiko ng gobyerno.

Ano ang ipinapahiwatig dito? Na kailangan na isakonteksto ang mga malalawak na programa sa pamahalaan na mahitrap sukatin kaya sa huli hindi rin natutupad. Halimbawam sa komunidad ng Park 7, hindi Kalusugan ang problema, kundi iyong ilog na marumi at masangsang na kapag malakas ang buhos ng baha ay bubuhos na ang tubig at basura sa pampang. Kailangan na ang mga tugon ng politiko ay mga tunay, kongjkkreto at damang pangangailangan ng komunidad. 

Paano ito maisasakatuparan? Hilutin ang mga ideya mula sa mga mismong naninirahan sa pamayanan na iyon. Ang anumang programa ay dapat nagmula at hindi idinikta sa mga mahihirap.

Ang Programa

 I. Pagpupulong

Ang AtSCA ay may apat na kaakibat na pamayanan- K1B4, K1B6, Marytown, at Park 7. Bilang tugon sa hamon na isinalang sa itaas, dalawang programa na magkaugnay ang ilulunsad ng AtSCA- covenant signing bago ang eleksyon, at community organization.

Ilang buwan bago ang eleksyon, makikitipon ang AtSCA sa mga opisyales at youth organization ng mga 4 na pamayanan. Kung wala pa, ang AtSCA ang magsisimulang bumuo kahit ng di-pormal na samahan ng mga mamamayan sa nasabing pamayanan. Sa pulong na iyon, tatalakayin ang buong programa ng Pakikiisang Bigkis- isang pagtutulungan ng AtSCA at ng pamayanan upang magkaroon ng inisyatibo tungo sa pagbabago. Sa pulong ding ito, magbubukasan ang mga mamamayan ukol sa kanilang mga problema sa pamayanan tulad ng patubig, adik, at krimen. Sa katapusan ng pulong, aayusin ng AtSCA ang mga napag-usapan sa isang dokumento na tatawaging covenant- isang produkto na hinilot mula sa karanasan mula mismo sa mahihirap. 

Magaganap itong paggawa ng mga covenant sa mga taong may eleksyon. Ito ay upang baguhin o dagdagan ang mga lumang isinusulong na programa na hindi na praktikal sa pamayanan sa kasalukuyang taon.

II. Covenant Signing 

Matapos makagawa ng covenant, papipirmahin sa mga kakandidato sa baranggay ngayong Mayo.

Dalawa ang bentahe dito. Una, kung sakaling tatanggi ang mga kandidato na pumirma sa nasabing covenant, isa na itong senyales sa mga mamamayan sa komunidad na iyon para hindi siya iboto. 

At kung pipirma at sakaling manalo siya, pagkakataon na ito upang maisulong ang mga programang nakapaloob sa covenant.

III. AtSCA Tanod

Ito ang pinakakritikal at pinakamahirap na bahagi ng proseso. Hinihingi nito ang kaunting oras at tiyaga ng mga miyembro ng AtSCA. Vigilance is a never ending attitude. Ito ang dahilan kung bakit kailangang iinstitusyonalisa ang programang ito sa kabuoang pormasyon ng AtSCA sa ilalim ng social awareness. 

Dalawa ang dapat na maging hangarin lamang ng programang ito. Una, ito ay magsisilbing pressure o batok sa mga nasa katungkulan. Isa itong pagpapaalala na palaging may nagbabantay sa kanila, hindi lang mga mula sa pamayanan nila kundi mula rin sa labas. Pangalawa, isa itong pagkakataon upang i-organisa ang mga mamamayan- community organization. Nakita na sa kasaysayan kung papaanong ang pagkakaisa ay nagiging makapangyarihan laban sa pang-aabuso ng gobyerno at mga mapang-aping elitista. Ang community organization ang tunay na empowerment of the poor, ang tunay na people power.

Mag-ingat kung gayon na maligaw ang grupo at tuonan ang pagiging result-oriented. Gayong mahalaga rin ito, kailangan ring kilalanin ng AtSCA na sila ay maliit na grupo lamang na binubuo ng mga estudyanteng kabataan. Sa oras na mabulag dito, hindi maiiwasan ang pagkabigo at tuluyang pagkasira ng halaga ng misyon ito- ang ipagkaisa ang mga mahihirap upang sa kanila mismong inisyatibo ay magsilibi silang pressure o diin sa lokal na gbyerno nila sa baranggay. 

Narito ang detalye ng pagtatanod.

Dalawa ang porma ng pagbababad ng AtSCA sa erya. Una ay ang may istruktura at ang pangalawa ay ang walang istruktura. Ngayon sa una, nagtuturo ang mga AtSCAns sa mga bata. Yung pangalawa ay simpleng pagbisita at pakikipagkwentuhan sa mga pamilya sa erya. 

Ngayon kung bibilangin, mahigit kumulang 8 beses ang pagbisita sa isang buwan. Ngayon, sa isang pagbabad o pagerya, kailangan lang daanan ng AtSCA ang baranggay hall upang i-follow up ang mga napagkasunduang covenant nito. Sa araw din na ito, makikipagpulong ang AtSCAn sa mga kasamahan sa erya na kasali sa pagbalangkas ng covenant. Kailangan din na may kasamang kinatawan mula sa erya. Nasa pagpapasya na ng AtSCA na humingi ng tulong sa mga pormal na institusyon tulad ng sa Ateneo.

Sa kabuoan, ganito ang magiging daloy ng programa. Talagang kinakailangan ang patuloy na diyalogo sa pagitan ng AtSCA, komunidad, at ng mga opsiyales ng baranggay. 

Ilang Karagdagang Punto

Hindi nagtatapos sa pakikipagpulong ang tunay na empowerment of the poor. Kung kaya, bilang bahagi ng programang ito ay ang paghikayat sa mga taga-komunidad na direktang makisangkot sa kilos-pagbabago. 

Iimbitahin kung gayon, ang mga taga-komunidad na makisangkot tuwing may gaganaping rally, prayer rally, prayer vigil sa Ateneo. Isa pa, iimbitahin rin sila na sumama sa mga talakayan at panayam na mas magpapalawak sa kanilang kaalaman lalo na kung patungkol mismo sa kanilang karapatang pantao.

Malinaw ang dahilan sa likod ng mga pagtatangkang kasasabi pa lamang. Kanina maaalala na malayo ang karanasan ng mga Atenista sa mga tunay na paghihirap ng mga maralitang tagalungsod. Kung kaya, maling estratehiya na patuloy silang piliting dumalo sa mga talakayan at rally. Ang mababang bilang ng mga dumadalo ang malinaw na patunay nito. Hindi impormasyon ang kailangan nila, dahil marami na silang lugar para dito. Ang kailangan nila ay karanasan kasama ang mahihirap. At ito na rin ang dahilan sa programang imbitahin ang mga mahihirap na makidalo kasama ang mga Atenista sa pakikipagbaka. Ito ang tunay na solidarity with the poor.

Ngayon, hindi lang mabibiyayaan ng programang ito ang kamalayang panlipunan ng mga Atenista kundi lalong lalo na ng mga mahihirap. Hindi nga ba’t sila naman talaga dapat ang may inisyatibo upang pumunta sa mga rally at talakayan dahil ang mismong karapatan at kabutihan na rin ang pakay ng mga gawaing ito. Panahon na upang ang mga taong sinasabi nating siyang ipinaglalaban natin sa mga rally ay bigyan natin sa wakas ng boses at kapit-bisig na labanan ang mga mapang-aping sistema sa lipunan.

Posted by vladimirfrancobedural at 11:52 pm | permalink | comments[2]

Ang Taong 2006

Narito ang isang buod ng mga mahahalang nangyari at isyu sa Pilipinas noong nakaraang taon, 2006. Nawa ay magsilbi itong tulong sa patuloy na pagsariwa sa ating pagmamahal sa bayan lalong lalo na ngayong paparating na eleksyon.

Para sa ilan na magrereklamo na baka puro politika lang lahat ito, huwag kang mag-alala kasi hindi.

Maraming maraming salamat sa magasing Intersect ng Institute on Church and Social Involvement kung saan nagmula ang karamihan sa mga datos dito. Ang pagbabahaging ito ay walang intensyon na agawan sila ng karapatan. Ito ay ayon sa kanilang layunin na mamulat ng tao. Huwag naman sana akong  kasuhan.

 

Binati ang taon noon ng isang tangkang coup de etat sa pagdiriwang ng 20th anibersaryo ng Edsa. Bilang tugon dito, nagsagawa ang gobyerno ng mga warrantless arrest, pagpapakulong sa mga opisyales sa military na umano’y kasangkot sa coup at bantang pagsara sa mga pahayagan at medya. 

Sa banding Abril, nagiging matunog na ang tangkang baguhin ang Saligang Batas sa pamamagitan ng isang People’s Initiative. Naging kontroberasyal ang pagiging legal at moral nito. Nang hindi ito magtagumpay sa Korte Suprema, tumungo naman ang mga nagsusulong nito sa Constituent Assembly. Ngunit kamakailan lamang, dahil sa matinding pagpakita ng halit ng mga Pilipino, napiligan ito.

Isa sa mga naging kontrobersyal na isyu sa termino ni GMA ay ang mga sunod sunod na political killings. Simula nang maluklok siya sa powesto noong 2001, umaabot na sa lampas 700 ang namatay dahil sa krimeng ito. Marami ang sa kanila ay mga lider ng mga mahihirap at manggagawang sektor na ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan. Hanggang ngayon, petuloy pa rin ang ganitong pagpatay. 

Lumabas noong 2005 ang isyu ng pandaraya ni GMA sa eleksyon- ang Hello Garci scandal. Nag-udyok ito ng mga tangkang impeachment laban kay GMA. Wala ni isa ang nagtagumpay upang malitis ito sa Senado.

Samantala, naglabas ang pangulo ng EO 464 na nagsasabing kailangan munang magpaalam sa pangulo ang sinuman sa gobyerna na magbigay ng testimonya sa paglilitis a Senado. Binasura ito ng Korte Suprema. Gayunpaman, patuloy pa rin ang pagmamatigas ng ilang opisyales na sumunod sa Senado. 

Patuloy naman ang pagsiil sa oposisyon. Sinuspende ang mga opposition mayors na sina Trinidad at Binay. Kamakailan lang ang kontrobersyal na paglusob sa opisina ni Gob. Tupas na isa ring oposisyon dahil sa umano’y korupsyon. Samantala, ang mga kaso naman ng mga politico sa administrayon ay pending pa rin tulad ni Chavit Singson.

 Ngayong taon, marami ang mga nasangkot sa korupsyon ngunit hindi malitis litis. Ilan na dito sina Joc Joc Bolante (fertilizer fund na ginamit para sa eleksyon umano ni GMA), Imelda Marcos, at Lucio Tan. Wala na ring nangyari sa kaso sa COMELEC at Mega Pacific ukol sa matinding dayaan.

 Ang taong 2006 ay panahon ng kalamidad. Hindi malilimutan ang Leyte landslide na pumatay sa 1600 na katao. Sa parehong taon din naganap ang mudslide sa Bicol bago magpasko na pumatay sa mahigit 1000 katao. Dulot ito ng bagyong Reming.

Samantala, may naganap naman na aksidente sa isang minahan sa Rapu Rapu, Bikol. Nagkalat ang mga kemikal ng La Fayette sa mga kuhanan ng tubig ng mga mamamayan sa paligid. Sa kabila nito, pinahintulutan pa rin sa huli ang La Fayette na ituloy ang operasyon. 

Kaugnay ng pagwasak sa kalikasan, lumubog at nagkalat din ng mga lasong langis ang isang barko ng Petron sa Guimaras. Inamin naman nila ang sala at patuloy ang paglilinis sa nasabing apektadong lugar ngunit huli na ang lahat para sa mga nasalantang coastal areas.

Tumaas naman ang presyo ng langis. Nagdulot ito upang magtuon ang Pilipinas sa mga renewable sources of energy. Nagpasa naman ang kongreso ng mga batas ukol sa alternative fuels. 

Sa kaso laban sa isang Amerikanong sundalo, napatunayang maysala si Smith sa panggagahasa sa isang Pilipina. Ngunit, makaraan ang ilang araw, inilipat ng gobyerno mula sa Makati Jail si Smith sa US Embassy. Isang isyu ito na nagbukas tungo sa mas pagpapalinaw ng kasunduan sa VFA.

Sa gitna ng mga ito, patuloy naman ang pagtaas ng piso sa dolyar. Sa kasalukuyan, katumbas ng isang dolyar ay Php49.

Posted by vladimirfrancobedural at 11:33 pm | permalink | comments[2]

PAANO MO HUHUBUGIN ANG MIYEMBRO MO, PATI SARILI, SA KAMALAYANG PANLIPUNAN

January 15, 2007

Bilang isang officer ng Social Awareness ng AtSCA, naging layunin ko noon na hubugin ang kamalayang panlipunan ng mga miyembro, kasali na ako. Sa katunayan, bumuo pa ako ng vision ko sa mga miyembro- na matapos ang isang taon na ito, magkakaroon sila ng sariling sikap na umalam sa mga isyu sa lipunan at tumugon dito. Isa sa mga nakita ko bilang konkretong tugon ay ang pagdalo sa mga talakayan, diskurso, rally, at preayer vigil. hindi nga ba't may punto ito lalo na kung aalalahanin natin na mga estudyante pa lamang tayo. Maliit lamang muna na hakbang.

Hindi ko alam na malaki na pala ito.

Dumadaan ang oras at walang pagbabago sa kanilang pananaw. Isang beses, tumawag ako ng pulong para sa komite ko sa Social Awareness. Isa lang ang pumunta. Kapag ay mga malawakang talakayan sa paaralan sa Cha Cha o sa eleksyon, pinapaalalahanan sila. Kapag may rally o prayer vigil, inaabisuhan sila. Ngunit, wala pa rin. Mahigit kumulang na 90 kami sa grupo ngunit  mahigit kumulang rin na 10 lang ang pumupunta. Maswerte na nga yun.

Babaguhin ko yung mga sinabi ko kanina. May pagbabago rin, kahit kaunti. Dahil sa dyaryo sa kwarto, may dumaragdag sa kaalaman namin. Kahit papaano, may natutunan rin yung mga pumunta sa talakayan o rally. Sana man lang.

Masyado yatang malaki ang hinihingi ko sa aming lahat. May mga ayaw talagang pumunta sa rally at wala na akong magagawa doon. May mga ayaw dumalo sa mga talakayan sa lipunan, at hindi ko sila mapipilit.

Ang naging pagmumuni ko dito ay praktikal.

Nagkaroon ako ng pribiliheyo na makidalo sa pagpupulong ng mga pinuno ng mga grupo sa Ateneo at NGO. Dito ako naliwanagan sa kung ano ba talaga ang trabaho ko bilang Social Awareness Officer.\

Ito ang unang pagkamulat: Na hindi ako magtatagumpay kung ang target ko na maging mulat at makisangkot sa lipunan ay mga may kaya sa buhay, lalo na ang mga elitista (ang pakay ng paggamit ko ng salitang ito ay hindi derogatory). Paumanhin sa matatamaan, ngunit walang rason upang ang mga mayayaman ay mag-abala pa para baguhin ang sistema. Ang pagsali sa rally ay malayo sa pang-araw araw na problema nila- trabaho, kompanya, at edukasyon. Mali ang taong nais kong mamulat.

Kung UP tayo, tama sana ang taktika na pagmumulat sa mga mag-aaral. Sila ay mga anak ng proletarya. Malapit sila sa mga hirap ng isang ordinaryong Pilipino kaya madali silang mamulatan at himuking makisangkot. Ngunit aminin natin na iba ang mag-aaral na Atenista. Iba ang mga pagpapahalaga natin sa kanila.

Nagiging cynical ba ako? Hindi. Ngunit bukas ako sa pagtuligsa niyo.

Pangalawa: Buhat ng unang pagkamulat, nalaman ko na ang dapat imulat ay iyong mga walang kapangyarihan, walang boses- mga kaibigan natin sa erya.

Mula dito naisip ko ang isang maaaring misyon natin sa erya. Nahihirapan tayo sa tutor. Ngayon, minumungkahi ko ang isang bagong taktika- upang mahubog ang miyembro sa soc-aw, ang dapat hubugin ay ang mga mahihirap. Empowerment ng mahihirap. Ito ang gagawin nating mga miyembro.

Sa prosesong ito, tayo rin ay namumulat sa paraang hindi na kailangang pumunta ng rally. Iorganisa natin sila. Sila ang imbitahin natin sa mga rally, sa mga talakayan. Hindi ang mga miyembro, dahil nasa kanila na ang lahat ng paraan para umalam- internet, dyaryo, tv.

Kung kongkretong usapan, ito ang mga sinasabi ko:

1. Iorganisa sila sa. Kabataan at matatanda. Kung meron na, payamanin

2. Gawin ito sa bawat pag-erya o babad: alamin kung ano ang mga pangangailangan nila. Wakasan na natin yung dating gawi na gagawa tayo ng mga manifesto, na nagsasabi ng mga kailangan sa erya. Ang ginagawa natin ay: "Ito ang kailangan ninyo, DI BA?" Mali. Dapat sa kanila MISMO MAGMULA kung ano ang kailangan nila. Maging sensitibo sa mga konkretong hinaing nila.

3. Imbitahin sila kapag may rally o prayer vigil sa Ateneo.

4. Ngayong malapit na naman ang eleksyon, tunay na makatutulong kung makakagawa tayo ng dokumentong nagsasabi ng mga totoong hinaing nila- hindi nagmula sa pag-aaral o obserbasyon natin sa kanila, ngunit nagmula mismo sa kanila.

Sana malinaw ang mga punto ko. Alam ko ay kahirapan. Hindi ko alam kung papayag ang lahat. Kung hindi nga talaga pumayag, sana ay buksan muli itong mungkahi ko sa mga susunod na taon, sa mga susunod na mga AtSCAns.

maraming salamat. Mabuhay ang Diyos at Pilipino!

Timetable:
Jan15-19: Organize youth, manangs group

Jan20: Meet with them: Look for representative or different timeslot

First week of February: Draft the resolution

Mid of February: Sign the covenant with the area people

End of February: Sign the covenant with the candidates

After election: AtSCA will monitor the elected official. AtSCA will do whatever it can to address the problems

Posted by vladimirfrancobedural at 5:19 pm | permalink | comments[1]

maligayang pagdating

January 13, 2007

maligyang pagdating sa aking tahanan.

Higit sa pagiging labasan ng mga hinanakit, o kaligayahan ko sa buhay, sinisikap kong magsilbing uwian ito ng mga taong wala nang nakikitang pag-asa sa bayan. O baka mas masaklap pa, wala nang pagmamahal.

Hayaan ninyong magtulungan tayong mamulat sa ating pananagutan sa bayan. 

Tara, pasok… maaari kang magcheck-in dito bilang bisita lamang, isang gabi o dalawang linggo. O baka nais mong araw arawin na lang, nangsagayon, magkapatid na tayo. Ngunit alalahanin mo, may padre de pamilya pa rin na gagabay sa atin dito- ang Banal.

Handa ka na? Simulan natin sa pagbibigay liwanag. Sindihan mo na ang esperma. 

Posted by vladimirfrancobedural at 1:22 am | permalink | Add comment